(SEVEN SUNDAYS)
Ni Trizha C. Talandron
Ang pelikulang Seven Sundays ay isang drama na tampok sina Aga Muhlach, Cristine Reyes, DingDong Dantes, Enrique Gil, at Ronaldo Valdez. Ang nag direk ng pelikulang ito ay si Dir. Cathy Garcia-Molina. Ang pelikula ay ginawa at inilabas ng Star Cinema noong Oktubre 11, 2017 at kinunan ito sa Tagaytay, Cavite. Ang pamagat ng pelikula ay nagawa dahil sa kwento kung saan ang tatay ay may pitong linggo na ang natitira upang mabuhay dahil sa sakit na cancer. Umabot ang pelikula sa 271 milyong piso sa takilya.
Nanominate ang pelikula para sa Movie of the Year. Si Dir. Cathy Garcia-Molina ay kilalang-kilala ng mga tao dahil sa kanyang mga pelikulang dinerek kagaya ng She's Dating The Gangster, The Hows of Us, Four Sisters And A Wedding, atbp. Ang Seven Sundays ay isang kwento na ginawa nina Vanessa R. Valdez, Roumella Monge, at Kiko Abrillo. Ang mga cast ay napaka-perpekto para sa kanilang papel. Wala akong maisip na ibang artista na maaaring pumalit sa kanilang papel.
Ang pelikulang Seven Sundays ay tungkol sa isang ama na si Manuel Bonifacio (Ronaldo Valdez) na nabalo at nag-iisa dahil ang kanyang mga anak na si Allan (Aga Muhlach), Bryan (Dingdong Dantes), Cha (Cristine Reyes) at Dex (Enrique Gil) ay nabubuhay na ng kani-kanilang buhay. Sa kanyang kaarawan, hindi makadalo ang kanyang mga anak dahil meron silang mga bagay na dapat gawin. Ang kanilang pinsan (Ketchup Eusebio as Jun) lamang ang naroon sa tabi ng kanilang ama. Kinagabihan dumating ang doktor ni Capt. Manuel at sinabi niya na may cancer sa baga si Capt. Manuel at mayroon lamang pitong linggo upang mabuhay. Nang malaman ng magkakapatid ang tungkol sa kung ano ang nangyari sa kanilang ama, muling nagkaisa at nagtulungan ang pamilya Bonifacio upang makasama ang kanilang tatay sa kanyang mga natitirang linggo.
Umiyak ako ng sobra dahil sa pelikula. Natunaw ang puso ko dahil dito. Ang kanilang pamilya ay hindi perpektong pamilya ngunit kapag sila ay magkasama, sila ay matigas at malakas. Sumaya ako noong nag sama-sama ulit ang kanilang pamilya. Itinuro sa akin ng pelikula na ang pamilya ay maaaring magparamdam sa isang tao na siya ay kumpleto.
Inirerekumenda ko talaga ang pelikulang ito sa lahat ng tao. Mas maganda ang pelikula panoorin kasama ang iyong pamilya. Ang pelikula ay nagtuturo sa iyo ng maraming mahahalagang aral na dapat mong malaman. Ipinapakita sa pelikula na ang pamilya ay higit pa sa lahat ng mga bagay. Tinuruan din ako ng pelikula na mahalin ang bawat segundo na kasama ang iyong pamilya, magpasalamat na ikaw ay buhay, at tandaan na ang pamilya ay laging nasa tabi mo.
No comments:
Post a Comment